Monday, 25 February 2013

#7- Eleksyon 2013




Lumipas nanaman ang taon at tayo ay sasailalim muli sa eleksyon. May 13,000 katao ang nagparehistro sa Commission on Elections (Comelec) sa ating lungsod mula ng magsimula ang registration noong Abril 2011 hanggang October 22 ng nakaraang taon. Ang mga ito ay may edad na 18 taong gulang, mga bagong lipat mula sa ibang munisipyo o syudad o barangay, gayundin yaong mga nagpa-validate ng kanilang voter’s ID at mga may ipinabago sa kanilang mga entries. Mapapansin ang pagiging strikto ng lahat ng tanggapan ng COMELEC na hindi magbigay ng extention sa pagrerehistro sapagkat sapat na aniya ang panahong ipinagkaloob sa mga tao upang makapagparehistro. Nagsagawa din ng satellite registration ang COMELEC sa ibat-ibang barangay para sa mga senior citizens at mga persons with disabilities at sa mga barangay na may malaking populasyon bilang bahagi ng kanilang registration campaign.


Ito ang mga petsa na dapat malaman at sundin upang magkaroon tayo ng ligtas at matagumpay na eleksyon. Sa halip na tumutok tayo sa mga reklamong may kaugnayan sa eleksyon, dapat matuto tayong makibahagi sa isang malinis na halalan. Dapat nating pag-isipang mabuti kung sino-sino ang iboboto natin. Laging tatandaan na sa lider ng isang lugar nakasalalay ang mapayapang ekonomiya. Iboto natin ang tingin nating nararapat upang sa huli ay hindi tayo magsisi.


+sheryl oposa

#6- Karapatan ng Bawat Manggagawa



Ang manggagawa ay mahalaga sa sektor ng Industriya. Kaya’t mahalaga na nalalaman ng mga manggagawa ang ibat-ibang karapatan nila. Narito ang ibang mga karapatan ng manggagawa, tamang pasweldo sa trabaho, mayroong isang araw na pahinga sa bawat linggo, dagdag sahod sa sobrang oras ng pagtatrabaho, may break o oras para kuamain. Kung ang empleyado naman ay buntis siya dapat ay magkaroon ng maternity leave na dalawang linggong leave bago ang araw ng panganganak, apat na linggong leave pagtapos ng panganganak. Ang bawat karapatan ay may nakapaloob na batas kaya’t dapat itong sundin ng mag kompanya upang maiwasan ang anumang abala. Sa mga karapatan na ito nakasalalay ang kaligtasan ng bawat manggagawa. Maaaring magsampa ng kaso ang manggagawa laban sa kompanyang kanyang pinagtatrabahuhan kung mayroon mang paglabag sa mga karapatang ito. Mahalagang malaman ng mga manggagawa ang mga karapatang ito upang sila ay maproteksyunan sa anumang panganib na maaaring maranasan nila.

Sa aking napapansin, maraming Pilipino pa rin ang inaabuso sa ibang mga bansa hindi dahil sa hindi nila alam ang kanilang mga karapatan kundi dahil mas pipiliin nilang masaktan at abusuhin ng ibang tao makapag padala lang ng pera sa kanilang pamilya dito sa pilipinas. Ang iba naman ay natatakot na magsumbong sa pamahalaan ng bansang kanilang pinasok dahil may posibilidad na hindi sila paniwalaan dahil sila ay isang Pilipino. Hindi dapat tayo nagpapatalo sa iba pang mga bansa dahil kung patuloy tayong nagpapatapak sa kanila ay mas lalong lalaganap ang pang aabuso sa mga Pilipino.

#5- Mababang Pasahod sa Mataas na Bilihin



Isa pang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod sa bayan at walang humpay ang pagsirit ng presyo ng halos lahat ng bilihin mula de lata, gulay,asukal, hanggang sa presyo ng langis. Sa pagbubukas pa lang ng 2011, bumulaga ang pagtataas sa singil sa North Luzon Expressway (NLEX), South Luzon Expressway (SLEX) at iba pang tollway. Sa SLEX, mahigit 300% ang itinaas ng singil sa toll. Sinundan ito ng ratsada ng taas-presyo sa mga produktong petrolyo, at ang pagtataas ng minimum na pasahe sa jeep ng piso patungong P8.00. Sunud-sunod din ang pagtataas ng singil sa kuryente at tubig simula pa lang ng nakaraang taon. Ang mga Pilipino ay nananawagan muli sa ating pamahalaan na kung maari ay dadagan ang sahod ng manggagawa sa ating bansa at ibaba ang presyo ng mga bilihin. Marami sa atin ang uma-aray dahil sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sa kabila ng pagtaas ng mga bilihin ay nakapagtataka na hindi magawa ng pamahalaan na dagdagan ang sahod ng bawat Pilipino.

Sa bawat pagtaas ng mga bilihin ay sya ring baba ng sahod ng tao. Ang pagtaas ng mga bilihin ay tiyak na nakaka-apekto sa bawat Pilipino. Ang iba sa atin, kahit na doblehin pa nila ang kanilang paghihirap sa trabaho ay kulang pa rin ang kanilang kinikita para sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Kaya’t kung sasabayan pa ito ng pagtaas ng mga bilihin ay wala ng matitira sa sahod ng ating manggagawa. Maaring ang maging epekto nito ay ang pagdagdag ng mahihirap sa pilipinas. Sa pagtaas ng maraming bilihin, maaaring mabawasan ang bilang ng mga mamimili sa isang produkto na hinidi na kayang bilhin ng isang pangkaraniwang tao. Kapag patuloy na nagtaas ang presyo ng mga bilihin ay malilimitahan na lamang ang dami ng produktong binibili ng bawat pamilya. At kapag ito naman ay nalimitahan bababa ang produksyon sa ating bansa at maaaring masira na lamang ang mga produkto dahil sa hindi pagbili ng mga tao. 

#4- Kalagayan ng Lakas Paggawa





Ang Lakas Paggawa o Labor Force ay ang edad 15 pataas na may sapat na lakas at kasanayan upang aktibong makilahok sa mga gawaing pamproduksyon ng bansa. Para sa akin, ang pagpapatayo ng mga imprastraktura at mga serbiyong panlipunan ay maaaring makatulong upang tumaas pa ang ekonomiya ng bansa. Dapat pa nating panatilihin ang pagbabago at pagpapaunlad upang makahabol sa mga kalapit na bansa at nang sa gayon, mapalakas ang palitan ng produkto, mapabuti at mapadami ang oportunidad sa mga Pilipino, at maiwasan at mabawasan ang kahirapan sa ating bansa. Dahil sa pag gastos ng malaki ng gobyerno upang mapabuti ang ekonomiya ng bansa, nagdudulot ito ng kakulangan ng pondo sa ibang sektor na naglilimita sa gobyerno na makamit ang kabuuang pag-unlad ng ekonomiya. Sinasabing kaya mabagal ang pag unlad ng ating ekonomiya ay dahil mas matanda ang lakas paggawa ng Pilipinas kumpara sa iba pang mga bansa sa Timog-Silangang Asya, dahil na rin ito sa paglipat ng iba nating manggagawa sa ibang bansa upang doon magtrabaho. Hindi maiiwasang maraming manggagawang pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa dahil na rin sa mas mataas ang pasahod sa ibang bansa, at marami ang umaasa na mas gaganda ang buhay nila doon. Dahil sa pag alis ng mga manggagawang pilipino tuluyang nababawasan ang may sapat na kakayahan upang magtrabaho dito sa ating bansa. Maraming dahilan kung bakit hirap ang ating bansa upang palakasin ang lakas paggawa sa ating bansa. Isa na rito ay ang tungkol sa edukasyon, kung ikukumpara ang edukasyon sa Pilipinas at sa bansang Thailand, hindi maikakailang mas lamang ang Pilipinas pagdating sa larangan na ito ngunit dahil sa kakulangan ng pondo ng gobyerno, hindi gaanong nabibigyan ng kalidad na pagsasanay ang mga kabataan. Kung ating titignan, maraming trabaho ang maaring ialok ng ating pamahalaan sa mga pilipino ngunit ang tanging problema ay kulang tayo ng mga taong may sapat na kakayahan at pinag-aralan para sa mga nasabing trabaho. Humihina ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa pagbaba ng lakas-paggawa sa loob ng bansa, ang patuloy na paglobo ng poplusayon sa bansa, at kakulangan ng pondo at masistemang kurikulum sa larangan ng edukasyon.

+sheryl oposa

Sunday, 24 February 2013

#3- Pagsasapribado ng Government Hospitals



Ilan sa mga Isasapribadong Ospital:

*National Kidney and Transplant Institute
*Philippine Heart Center
*Philippine Children’s Medical Center
*Lung Center of the Philippines (LCP)
*Quirino Memorial Medical Center
*Philippine Orthopedic Center Quezon City
*Jose R. Reyes Memorial Medical Center
*San Lazaro Hospital Manila
*Rizal Medical Center Pasig
*Amang Rodriguez Medical Center Marikina
*Research Institute for Tropical Medicine (RITM) Alabang

*National Mental Health Center Mandaluyong
*Veterans Memorial Hospital
*Baguio General Hospital and Medical Hospital
*Zamboanga City Medical Center
*Cotabato General and Medical Hospital
*Corazon Montelibano Memorial Regional Hospital
*Northern Mindanao Medical Center

---------------------------------------------------------------------------------------------

Batay sa aking napupuna, ang mga pampublikong ospital na lamang ang pag-asa ng mahihirap kapag sila ay nagkakasakit. Dito sila nakaka-kuha ng libre at murang gamot, check-up, at kung anu-ano pa. Tiyak na makaka-apekto sa kanila ang pagsasapribado nito dahil mapipilitan silang magbayad ng mas malaking halaga, na sa halip ay pang-kain na lamang ng pamilya nila.

Kung ating titignan daan-daang doktor, kawani ng pamahalaan, estudyante, manggagawa, at militanteng grupo ng mahihirap ang handang magprotesta upang ipabatid lamang sa pamahalaan ang kanilang hinaing ukol sa hindi pag sang-ayon nila sa pagsasapribado ng pampublikong ospital. Nagtipon-tipon sila upang humiling sa pamahalaan na ibasura ang nasabing proyekto para sa kapakanan ng mahihirap sa bansa. Marahil ay nangangamba sila na baka hindi kayanin ng mga maralitang pamilya na magpagamot sa ospital na magiging hawak na ng pribadong kapitalista na siguradong magpapatupad ng mas mataas na singil sa serbisyo. Nangangamba din ang mga tao na kung sakali mang ma-ipatupad ang pagsasapribado ng pampublikong ospital ay baka mawala na daw ang access ng mahihirap sa libre o mas murang pagpapagamot.


+sheryl oposa

Sunday, 3 February 2013

#2- HACIENDA LUISITA



Ang Comprehensive Agrarian Reform Program, o ang CARP, ay isang programang isinakatuparan ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) o ang Republic Act No. 6657, na nilagdaan ni Presidente Corazon Aquino noong Hunyo 10, 1988. Ang layunin nito’y protektahan ang mga magsasaka sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong para sa kanila na may akseso sila sa mga lupain at iba pa. Nais ng programang ito na tulungan ang pag-unlad ng pansasakang aspekto ng Pilipinas, pati na rin ang pantay na pakikitungo sa mga mahirap na magsasaka dahil noon, halos lahat ng mga lupain ay may ari ng mga mayayaman.


Ang kwento ng buhay ni Francisco Nakpil na isang magsasaka sa Hacienda Luisita ay talagang nakakabagbag damdamin. Talagang kapansin-pansin ang hirap ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita tulad ni Francisco Nakpil dahil sa kabila ng pagka-bilad nila sa init araw-araw ay maliit na sahod pa din ang kanilang natatanggap. Ang mga magsasaka doon ay lubos paring umaasa na matupad ang pangako na matagal na nilang gustong makamit. Subalit hindi natin masisisi ang iba, na tuluyan nang nauubusan ng pag-asa. Tayo dapat ay nagtutulungan at hindi nagdadayaan. Ang mga Pilipino ay kilala sa pagiging matulungin subalit ang iba sa atin ay inaabuso ang pagiging mahina ng iba at ginagamit nila ito upang sila ay mas lalong tumaas. Sa madaling salita ay inaabuso natin ang kung anumang meron tayo.


+sheryl oposa 

Saturday, 2 February 2013

#1- SULIRANIN SA AGRARYO




LAND REFORM O REPORMA SA LUPA
 
Ang usaping ito'y matagal nang nakabinbin. Nagpasalin-salin na yata ito sa mga nadgaang administrasyon magsimula kay Marcos hanggang kay Arroyo. Marami na raw silang nagawa ngunit patuloy na kumakalam ang sikmura ng mga taong bumubusog sa iyo. Ang mga taong nagpapagal sa ilalim ng init ng araw para lamang may maihandang kanin sa iyong hapag. Ayon sa isang analyst, malalim ang ugat ng suliraning ito. Nagsimula pa raw ito noon pang panahon ng mga Kastila. Dahil sa ang mga lupain ay kontrolado ng mga prayle at mayayamang Kastila't Pilipino, ni minsan, hindi binigyan ng pagkakataon na mapagkalooban ng sariling lupain ang mga magsasaka kung saan masasarili nila ang lahat ng kikitain at may maitatabi pa. Yaon na nga lang at hindi ganoon ang nangyari. Dumating ang mga Amerikano at ipinagbili ng mga Kastila ang mga lupain sa mga ito. Sila na ang mga bagong may-ari, pinatituluhan at binakuran ang mga nabiling lupa. Lumipas ang pananakop ng mga Hapones at sumilang ang Republika ng Pilipinas. Nagsimulang buuin ang bagong pamahalaan at alinsabay nito'y ang pag-asa ng mga magsasaka sa tunay na reporma sa lupa. Noong una'y walang dumadaing dahil nakasanayan na nila ang gawi noong Panahon ng Kastila. Ngunit ng unti-unting nagkamalay sa kanilang mga karapatan, dito nagsimulang umangal. Una'y tinuligsa ang mga mayayamang nagmamay-ari sa lupang sakahan. Anila, dapat lamang na ipagkaloob na ng pamahalaan ang lupang ito sa kanila dahil sila naman daw ang nagpagal at nagpayaman dito. Sagot naman ng mga nag-mamay-ari, ipinamana sa amin ang mga ito at pinaghirapan ng mga nuno namin,bakit kailangan ninyo itong angkinin? Ang sagutang ito ay tumagal, nang tumagal, nang tumagal. Hanggang ngayon, lumipas na ang halos 100 taon, wala pa ring nangyayari.Ito ba'y isang halimbawa ng pagtatanggol ng kanyang ari-ariang ipinamana sa kanya na pinagyaman ng iba't ngayo'y pilit na inaangkin? o isang simpleng halimbawa ng kahangalan ng pamahalaan?


======================================================

Para sa akin, ang ganitong mga klase ng problema ay dapat na mas pagtuunan ng pansin ng ating pamahalaan upang matapos na ang matagal nang problemang ito. Maaring tama ang mga nag-mamay-ari ng lupa na pinagsasakahan na hindi dapat angkinin ang ipinamana sa kanilang lupa, ngunit dapat din nilang maisipan na magbigay ng kahit konting bahagi ng lupa sa mga magsasaka dahil kung wala ang mga magsasaka ay walang kwenta ang mga lupang kanilang minana. Ang mga magsasaka ay naglaan ng halos malaking porsyento ng kanilang buhay sa pagtatanim upang masuplayan lamang ang bigas na kinakain sa araw-araw. Kaya nararapat lamang na sila ay bahagian ng lupa upang mapawi naman kahit papaano ang kanilang pagod.

Naniniwala ako na sinubukan naman ng pamahalaan na lutasin ang problemang ito, ngunit habang tumatagal at napapatungan nang napapatungan ang mga problema sa ating bansa ay nakakalimutan na nilang ipagpatuloy ang paglutas dito. Batay sa aking napapansin ay gumagawa lamang ang pamahalaan ng aksyon kapag nagkakaroon ng mga rally o anumang pagtutol sa kanilang mga gawain. Dapat lutasin muna ng pamahalaan ang matagal nang problema sa ating ekonomiya sa halip na magpatupad sila ng magpatupad ng kung anu-anong batas tulad ng Cyber-Crime Law.

Naniniwala ako na ang bawat isa sa atin ay dapat na nakikipagtulungan sa ating pamahalaan upang mas maliwanagan tayo sa kung anumang napag-pasyahang desisyon ng ating pamahalaan. Dapat din nating unawain ang isat-isa at tanggapin ang ating mga nagawang pagkakamali upang mas lalong bumilis ang pag ayos sa problema ng ating ekonomiya. :)

+sheryl oposa